Inaprubahan ng Phi­lippine Competition Commission (PCC) ang joint venture ng Pamahalaang Lokal ng Pasay City at ng Pasay Harbor City Corporation na kinabibilangan ng negosyanteng si Dennis Uy para sa P62 billion reclamation project ng 265 hektarya sa Manila Bay.

Sabi ng PCC kahapon, ito ang kauna-unahang inaprubahan nilang transaksyon na local government unit ang kasama sa proyekto.

Ayon sa PCC, wala itong nakikitang makababawas ng kompetisyon sa lugar dahil gagawa ito ng bagong merkado para sa commercial at residential real estate sa Pasay City.

Ang Pasay Harbor City Corp ay binubuo ng Udenna Development Corp. ni Uy, Ulticon Builders Inc., at China Harbour Engineering Company.

Pirmado ni PCC Chairman Arse­nio Balisacan at tatlo pang commission ang Commission Decision No. 30-024/2019 na inilabas noong Setyembre 26, 2019.
Ang tinatawag na Bay Area sa Pasay City ang may pinakamahal na presyo ng lupa sa bansa ngayon.

Ayon sa Leechiu Pro­perty Consul­tants (LPC), nasa Pasay City ngayon ang pinakamahal ng mga condominimu­m unit na umaabot sa P600,000 per square meter ang halaga.

Paliwanag pa ng LPC, mahal na ang presyo ng lupa rito pati na ang mga opisina na rerentahan dahil wala nang available na space.

Sa reklamasyon, madadagdagan ang mga opisina at condominium na maibebenta at mare­rentahan ng mga tao at mga kompanya.

Ayon sa PCC, ibibigay ng Pamahalaang Lokal ng Pasay City ang kara­patan nito sa municipal waters sa Pasay Harbor City na siya namang magpopondo ng lahat ng reclamation at iba pang mga gastusin ng proyekto. (Eileen Mencias)