Positibo ang San Miguel Corporation na masisimulan na ang pagtatayo ng proyekto nitong P735 bilyong Bulacan International Airport (BIA) bago matapos ang taong kasalukuyan.
Ayon kay SMC president at chief operating officer Ramon Ang, kumpiyansa silang mapapasi-nayaan ang nasabing paliparan bago matapos ang 2019 makaraang aprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) noong Abril 26 ang negotiation report para sa pagtatayo ng BIA.
Binuo ang concession agreement sa pagitan ng Department of Transportation (DOTr) at San Miguel Holdings Corporation kung saan nakapaloob dito ang konstruksyon, operasyon at maintenance ng paliparan.
Isasapinal ng DOTR ang concession agreement bago ito isailalim sa final review ng Office of the Solicitor General at Department of Finance.
Sa ilalim ng proyekto, itatayo ang paliparan sa 2,500 hektaryang lupa sa Bulakan, Bulacan at bubuuin ito ng passenger terminal building na mayroong airside at landside facility, airport toll road at apat na runway.
Sinabi ni Ang na naayos na ang risk allocation matrix pati na rin ang pag-aaral sa inilabas na komento ng NEDA sa nasabing proyekto.
Ang nasabing proseso ay isang uri ng public procurement process para sa paghahanap ng mas maayos na bidder sa isang pampublikong proyekto.
Giit pa ni Ang, kung handa na ang DOTr ay handa na rin ang kanilang grupo para masimulan at mapondohan agad ang proyekto. (Mia Billones)