Masyadong mababaw diumano ang pagtingin ng gobyerno sa usapin ng ­Charter change (Cha-cha) at federalism.

Ito ayon kay Magdalo Rep. Gary Alejano ang sinasalamin ng “Pepedederalismo” video ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson.

“Imbes na ang mga probisyon ng draft proposal on federalism ng ConCom (consultative committee) ang pinag-uusapan ng bayan ngayon, ang kapalpakan ng mga naturingang opisyal ng gobyerno ang umagaw sa eksena. Sinasalamin ng vi­deo kung gaano kababa ang tingin ng gobyerno sa usapin ng Charter change at federalism,” pahayag ni Alejano.

Ang bawat ­opisyal ng gobyerno aniya ay dapat magsilbing ma­buting ehemplo sa ­lahat.

“Iwasan natin ang mga palabas na wala namang kabuluhan at lagi nating itutok ang ating atensyon sa tunay na isyu,” ani Alejano.

“Nais ko lamang ipaalala na P90M ang itinalagang ­budget para sa information drive ukol sa federalism. Sa ganitong klaseng palabas lang ba mapupunta ang pera ng bayan?” pagdidiin ng Magdalo solon.