Dahil sa pinaigting na seguridad ng mga awtoridad laban sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) habang ipagdiriwang ang Hermosa Festival, ay isang aktibong bandido ang naaresto sa Zamboanga city.
Kinilala ng kapulisan ang dinakip na si Amir Intong Salihin, tubong Isabela City, Basilan.
Sa ipinarating na ulat sa Camp Crame, bandang alas-7:55 ng umaga nang maaresto ang suspek sa Campaner St., Zamboanga City.
Una nang inalerto ng pulisya ang kanilang puwersa matapos makatanggap ng intelligence report na nasa Zamboanga City at may masamang plano ang ilang kasapi ng ASG na pawang tauhan ni Basilan base-ASG leader Isnilon Hapilon.
Napag-alaman na nagsisilbing finance at logistics liaison ng bandidong grupo ang naarestong suspek kung saan nakumpiska mula rito ang isang rifle grenade, kalibre .45 pistol na may magazine at mga bala.