1-buwang bakasyon sa Europa hirit ni ex-FG sa Sandiganbayan

Kung papayagan ng Sandiganbayan ay isang buwan na mananatili sa Europa ang mister ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na si dating First Gentleman Mike Arroyo.

Base sa inihaing mosyon, nais niyang umalis ng bansa sa Mayo 15, 2017 at babalik sa bansa Hunyo 17, 2017.

Sa kanyang inilatag na itinerary mula Mayo 16 hanggang 20 ay nasa Madrid, Spain si Mr. Arroyo at tutuloy sa Emperador Hotel.

Mula Mayo 20-23 ay nasa San Sebastian, Spain naman si Arroyo at sa Hotel Lourdes titira habang sa Mayo 27 hanggang 28 ay nasa Paris, France naman ito at mananatili sa Mercure Paris Montmartre Hotel.

Sa Mayo 23-27 ay sa Grand Hotel sa Copenhagen, Denmark titira si Arroyo at saka lilipat sakay ng Disney Cruise Ship patungong Norway mula Mayo 28 hanggang Hunyo 4.

Balik ito sa Copenhagen, Denmark at tutuloy sa Radisson Blu Royal Hotel at mula Hunyo 5-7 sa Budapest, Hungary at tutuloy sa Intercontinental Budapest Hotel.

Nasa Prague, Czech Republic naman si Arroyo at tutuloy naman sa Grandior Hotel Prague mula Hunyo 7-9 at sa Venice mula Hunyo 9-12 at tutuloy siya sa Hotel Danieli.

Mula Hunyo 12-15 ay tutuloy naman siya sa Hotel Manzoni sa Milan, Italy at kinabukasan at babalik na ito ng Pilipinas at inaasahang darating sa Hunyo 17.

Si Arroyo ay kailangan magpaalam sa Sandiganbayan tuwing nais nitong umalis ng bansa dahil sa kasong graft na kinakaharap nito na may kaugnayan sa maanomalya umanong pagbili ng mga helicopter ng Philippine National Police (PNP) noong 2009.