1-ektaryang drug rehab nakaabang sa Nueva Ecija

Nueva Ecija — Isasaayos bilang isang drug rehabilitation sa 4th district ng lalawigan ang nakatiwangwang na pasilidad ng Alay Tangkilik Foundation sa Brgy. Sta. Rita rito.

Ito ang iminungkahi ni Mayor Ramir Rivera bilang suporta sa anti drug campaign ng Philippine National Police (PNP) at Duterte administration, makaraang saksihan ang idinaos na Binibining Nueva Ecija sa Cass Flora Resort dito kahapon.

Sinabi ni Rivera na ipinarating na niya kay P/Supt. Manuel Cornel ang mungkahi. Kayang-kaya umano ang 500 patients sa 1-ektaryang lote, na maaaring lagyan ng mga container van na gagawing tulugan.

Ayon kay PC/Inspector Rico Cayabyab na umabot lang sa mahigit 500 drug personalities ang sumuko sa Cabiao kaya’t maaaring i-cater ang mula sa 4th district, kabilang ang mga bayan ng San Isidro, Jaen, San Antonio, San Leonardo, General Tinio, Peñaranda at Gapan City.