1-linggo pa bago isara ang Tandang Sora flyover

Sa halip na bukas na ang pagsasara ng Tandang Sora Flyover, pumayag ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kahilingan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na ipagpaliban muna ang pagsasara nito sa Commonwealth Avenue at intersection sa lungsod.

Dahil dito isasara ang flyover at intersection ng alas-11:00 nang gabi sa Marso 2.

Ang nasabing closure ay para bigyang-daan ang konstruksyon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 7.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ang 6-araw na postponement ay magbibigay ng sapat na oras para ipaalam sa iba’t ibang stakehol­ders ang nakatakdang pagsasara na makakaapekto sa 100,000 motoristang dumadaan sa Commonwealth Avenue at 3,000 motoristang gumagamit ng Tandang Sora intersection.

“Ngayong umaga ay sinimulan na ng mga kapitan ng mga barangay na ipagbigay-alam sa kanilang mga residente ang pagsasara ng flyover at intersection,” ani Garcia sa isang pulong balitaang ginanap sa tanggapan ng MMDA.