1-linggong ultimatum sa P3.7T budget

Karlo-nograles

Walang plano ang liderato ng Kamara na patagalin pa sa plenaryo ang pagpapatibay sa P3.767 trillion national budget sa 2018 dahil sa loob lang ng isang linggo ay aapruba­han na ito sa ikatlo at hu­ling pagbasa.

Ngayong araw na ito, Setyembre 4 ay pormal nang iaakyat ni House committee on appropriation chairman Karlo Nograles sa plenaryo ng Kamara ang nasabing panukala para pagdebatehan.

“We will strive to fi­nish the plenary debates on Friday, September 8, and have HB No.6215 passed on third and final reading,” ani Nograles kaya limang araw lang ang kailangan ng mga ito na panahon.

Taliwas ito sa mga nakaraang Kongreso na ina­abot ng dalawang linggo o halos isang buwan ang debate sa national subalit ayon kay Nograles, kailangang maipasa ito dahil sa Nobyembre ay pi­pirmahan na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Karaniwang bago matapos ang taon o bago mag-Pasko nilalagdaan ng Pangulo ang national budget para sumunod na taon subalit nais umano ng Kongreso na malagdaan ito ni Duterte sa Nobyembre 15.

Pinalagan naman ito ng mga militanteng mambabatas dahil mawawalan umano ng pagkakataon ang mga Filipino na mala­man kung paaano gagamitin ng gobyerno ang kanilang pera.

“Mahalagang pagdebatehan maigi ang national budget pero gustong madaliin ng House. Papaano malaman ng public kung saan-saan at papaano gagamitin ang kanilang pera,” ani ACT Teacher Party-list Rep. France Castro.