Suportado ng Malacañang ang ilalargang rapid testing ng business sector para tulungan ang gobyerno na mapabilis ang pagtukoy sa mga may sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at mapadali ang muling pagbangon ng mga negosyo sa bansa.

Nabatid na target ng nasabing proyekto na ma-test ang isang milyong manggagawa sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang mass testing ang susi para malabanan ang COVID-19, at dahil hindi nagagawa ito ng solo ng gobyerno, malaking bagay ang hakbang ng business sector para i-test ang kanilang mga empleyado bago simulan ang muling pagbubukas ng mga negosyo sa ilalim ng general community quarantine.

“Mahalaga ang mass testing dahil sa pamamagitan nito ay malalaman kung sino ang may COVID-19, paano sila malo-locate at ma-isolate para magamot,” ani Roque.

Sinabi naman ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion na sa pamamagitan ng ARK project o Antibody Rapid test Kit, target nilang ma-testing ang isang milyong manggagawa sa buwan ng Mayo.

Umabot na aniya sa 130 na malalaking korporasyon ang handa na sa ARK project at uunahin ang kanilang mga empleyado para masigurong ligtas ang mga ito sa sandaling magbukas na muli ang operasyon ng mga negosyo.

“Our objective is to focus on test, test and test, and that will give us more visibility, then the cabinet and the government will be allowed to open up more of the economy,” ani Concepcion. (Aileen Taliping)