Todas ang isang kasapi ng New People’s Army (NPA) habang dalawang kasama nito ang nadakip sa sagupaan laban sa mga tropa ng Philippine Army sa Laguilayan Village, Sultan Kudarat.
Sa ulat ni Capt. Raul Gandionco, leader ng 33rd Infantry Battalion, dakong alas-10:30 kamakalawa ng umaga nang magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at may tinatayang 30 NPA sa Sitio Tamil-Tamil na isang taniman ng mga gulay.
Bago naganap ang engkwentro ay nakatanggap ng report ang militar buhat sa mga magsasaka tungkol sa mga presensya ng mga rebelde sa nasabing lugar.
Dahil dito nagkaroon ng running gunbattle sa pagitan ng dalawang grupo at nagresulta sa pagkasawi ng isang rebelde at pagkakahuli sa dalawa pa nilang kasama at pagkakasugat ng isang sundalo.
Narekober mula sa rebeldeng grupo ang M16 riffle, hand grenade at improvised bombs at 12 gauge shot gun.
Ayon naman kay Col. Bismarck Soliba, commander ng 1st mechanized infantry brigade, ang nasabing mga NPA ay nasa ilalim ng pamumuno ng isang Ka George at nagsasanay din ng mga menor de edad sa kanilang mga kampo.