Nagsisiyasat ang Albuera, Leyte Police upang matukoy kung kaanak o may relasyon sa big time drug lord na si Kerwin Espinosa ang isa pang Espinosa sa Iloilo na nauugnay din sa iligal na droga.

Ayon kay Chief Insp. Jovie Espenido,ito ay matapos una nang ihayag ni Albuera Mayor Rolando Espinosa na taga-Iloilo ang kanilang pamilya.

Duda si Espenido na posibleng magkakamag-anak ang mga ito lalo’t isa si Brgy. Kagawad Jesus ‘Jing-jing’ Espinosa Jr., na itinuturing na pinagkakatiwalaan ng napatay na si PDEA-identified drug group leader na si Melvin Odicta.

Agad namang pinasinungalingan ng ama ng PDEA-identified drug personality na si Espinosa Jr. na kamag-anak o kilala nila ang big time drug lord.