Arestado ang 36-anyos na lalaki na isa sa mga suspek na sangkot sa pagpatay kay Father Richmond Nilo noong Hunyo 10 sa Nueva Ecija matapos na masakote ito ng pulisya sa pagtutulak ng shabu sa bayan ng Maddela, Quirino kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Bernie Limpio, 36, residente ng bayan ng Arayat, Pampanga at isa sa pitong suspek sa pamamaslang kay Father Nilo nang barilin ito sa gilid ng ka­pilya sa Barangay Ma­yamot sa bayan ng Zaragosa kung saan nakatakda sana itong magsimula ng misa.

Napag-alaman sa pulisya na nadakip si Limpio pasado alas-10:00 ng gabi matapos ang ikinasang buy-bust operation ng Maddela Municipal Police Station (MPS), at nakuha sa pag-iingat nito ang ilang sachet ng shabu.

Napag-alaman na mula nang isagawa ang pagpatay sa pari ay nagtago na si Limpio sa ba­yan ng Maddela, ayon pa sa pulisya.

Mismong ang gunman ni Father Nilo na si Omar Mallari ang kumilala kay Limpio na isa sa kanyang mga kasama­han sa pamamaslang sa pari matapos itong madakip ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Arayat, Pampanga noong Hunyo 22 ng taong kasaluku­yan.