1 patay 2 sugatan sa maskarado

gun-masked

Patay ang isang lala­ki habang sugatan naman ang dalawa pa nitong kasama matapos pagbabarilin ng isang maskaradong sakay ng motorsiklo sa Lungsod ng Caloocan kahapon ng mada­ling-araw.

Nasawi habang nilalapatan ng lunas ang biktimang si Elmer De Silva, 30-anyos habang sugatan naman ang mga kaibi­gan nitong sina Jeric Vanguardia, 34, at John Dela Cruz, 47.

Ayon sa ulat ng kay PCInsp. Ilustre Mendoza ng Caloocan City Police, ganap umanong alas-2:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa 5th Avenue, Barangay 47 ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan uma­nong nagkukwentuhan ang magkakaibigan sa harapan ng isang fast food chain sa nasabing lugar nang dumating ang hindi pa nakikilalang suspek na maskarado, naka-bonnet at itim na jacket habang lulan ng motorsiklo, saka walang habas na pinaulanan ng bala ang mga biktima.

Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang insidente at agad isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center si De Silva, ngunit nasawi rin ito kalaunan habang ginagamot.

Samantala, nasa ligtas na kalagayan ang dalawang kasamahan nito.

Patuloy ang imbestigasyon ang pulisya upang malaman ang pagkaka­kilanlan ng salarin at ang motibo nito sa pag-atake sa mga biktima.