Isa ang patay samantalang dalawampu ang sugatan nang mauwi sa trahedya ang masayang outing ng isang mag-anak matapos mahulog sa bangin ang jeep na kanilang sinasakyan sa Barangay Tibiao, Altavas, Aklan kamakalawa.
Naipit sa jeep ang biktimang si Marjun Martinez, 32, residente ng Bayebaye Jamindan, Capiz dahilan para agad itong masawi.
Sa report ni PO3 Tony Dee Laus, ng Altavas Police, galing sa family outing sa isang beach sa Batan ang dalawampu’t limang magkaka-anak nang mawalan umano ng preno ang jeep na minamaneho ni Alex Lasconia, sa paakyat na bahagi ng daan kaya nahulog sa bangin na may lalim na limampung talampakan.
Patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang tumakas na driver ng jeep na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.