1 patay, 3 sugatan sa mag-anak na niratrat sa Quiapo

Isang 66-anyos na matandang lalaki ang nasawi habang sugatan ang kanyang tatlong kaanak sa pamamaril ng tatlong motorcycle riders sa Quiapo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Hindi na nailigtas sa Mary Chiles Hospital ang biktimang si Hadji Aya­sin Panandigan, residente ng 632 Gunao St., Quiapo dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at kaliwang braso.

Sugatan naman ang kanyang mga kaanak na sina Jamael Panandigan, 62, negosyante, na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa kanang braso; Hania Panandigan, 40, na tinamaan sa kaliwang braso; at Jasmina Panandigan, 16-anyos, na nabaril sa kaliwang braso.

Sakay ang mga biktima ng Mitsubishi Strada pick-up na minamaneho ni Jamael nang tambangan sila ng tatlong suspek sa Gunao St. kanto ng Arlegui St.

Hindi pa mabatid kung sino ang mga suspek at ano ang motibo ng pamamaril.