1 patay, 4 sugatan sa Zambo ambush

ZAMBOANGA CITY — Isang government militia ang patay at apat na iba pa ang sugatan matapos silang tambangan kahapon ng mga rebeldeng New People’s Army sa bayan ng Kapalong sa Davao del Norte province sa Mindanao.

Kinumpirma rin ito ng militar at sinabing naganap ang atake sa Barangay Gupitan habang nagpapatrulya ang mga miyembro ng CAFGU o Citizens Armed Forces Geographical Unit.

Hindi na umano nakaganti ang mga militias sa pananambang ng NPA.

Naganap ang atake dalawang araw matapos magdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng unilateral ceasefire sa rebeldeng grupo.

Hindi pa nagdedeklara ng truce ang NPA at inaasahan na magpapatuloy pa ang atake ng mga rebelde sa iba’t ibang panig ng Mindanao.

Nabatid na ang mga CAFGU ay nasa ilalim ng control ng 72nd Infantry Battalion. Wala namang pahayag ang NPA ukol sa nasabing atake.