Namatay umano sa pagkalunod ang isang matandang lalaki nang tangayin ng rumaragasang tubig sa gitna ng pananalasa ng bagyong Odette sa Luzon.

Ayon kay Mina Marasigan, ang tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), tumatawid ng ilog ang biktima nang biglang tumaas ang tubig at natangay ito.

“Sa kasamaang palad, mayroon tayong naitalang isang casualty dahil sa pag-uulan.

Ito pong matandang lalaking ito na noong kasagsagan ng pag-uulan ay naalala niya ang kanyang kalabaw. Isisilong po sana niya kaso pagtawid niya ng ilog, natangay po sila sa malakas na pag-agos,” ani Marasigan.

Kasabay nito ay patuloy nang nakikipag-ugnayan ang NDRRMC sa mga local government unit (LGU) para sa paghahatid ng ayuda sa mga pamilyang napuwersang lumikas dahil sa bagyo.

Tumambay si Odette

Samantala, halos hindi kumikilos ang bagyong Odette na unang inasahang lalabas ng teritoryo ng Pilipinas kahapon ng hapon.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) umaabot na lamang sa 10 kilometro kada oras ang usad ng bagyong Odette na may lakas ng hangin na hanggang 90 kph at pagbugsong 115 kph.

Bandang alas-kuwatro ng hapon, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Warning Signal No. 1 sa Pangasinan at inaasahang magiging katamtaman at masungit ang panahon sa loob ng 400 kilometrong diameter ng bagyo.

State of calamity sa Cagayan

Isinailalim naman sa state of calamity ang bayan ng Allacapan sa Cagayan province dahil sa naranasang pagbaha sa 27 barangay ng nasabing bayan.

Tinataya rin ng mga lokal na opisyal na kalahati ng 9,680 ektarya ng sakahan sa nasabing bayan ay nasira matapos malubog sa baha.

Tatlong tulay din ang nalubog sa pag-apaw ng ilog kaya hindi madaanan ng ano mang uri ng mga sasakyan.