Bangkay na tinanghal ang isang lalaki habang nakatakas ang dalawang kasamahan nito makaraang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad habang nagsasagawa ng pagpatrolya sa Sta. Mesa, Maynila kamakalawa.

Ayon sa ulat, isinalara­wan ang biktima na nasa edad 30 hanggang 35, may taas na 5’4”, katamtaman ang pangangatawan, maraming tattoo, nakasuot ng asul na stripe t-shirt at puting sando.

Sa imbestigasyon ni PO3 Dennis Turla ng Manila Police District (MPD) – Homicide Section, dakong alas-12:10 nang maganap ang insidente sa panulukan ng Zamora at Valenzuela St., Sta. Mesa Maynila.

Nabatid na nagpapatrolya ang pulisya nang sitahin ang mga tatlong suspek dahil sa walang plaka ang kanilang sinasakyang motorsiklo.

Nang lalapitan ng mga pulis ang tatlo ay agad umanong naglabas ng baril ang isa sa mga ito at pinaputukan ang mga awtoridad na gumanti naman ng putok na ikinasawi ng isang suspek habang nakatakas ng dalawang iba pa.