STO. DOMINGO, Nueva Ecija — Nasawi ang isang 18-anyos na binata makaraang sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa kasalubong na tricycle noong Sabado ng hapon sa kahabaan ng Provincial Road, Purok 2, Brgy. San Francisco, sa bayang ito.
Ayon sa ulat, nakilala ang biktima na si Lordly Balagtas Pajar, binata, residente ng Purok 2, Brgy. Cocepcion.
Nabatid na dakong alas-4:30 ng hapon, nagmamaneho ng motorsiklo si Pajar pauwi nang makabungguan ang tricycle na minamaneho ni Victorino Valerio Tudla, 58, na sakay ang asawang si Loreta Carlos-Tudla.
Nadala pa si Pajar sa ospital pero hindi na umabot ng buhay habang sugatan namang ang mag-asawang Tudla.