Dahil sa patuloy na paglabag at hindi pagtalima sa kautusan, iniutos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagsasara sa isa sa pinakamatandang resort sa Boracay, ang Boracay Plaza Resort na nasa Station 1.
Ang closure order laban sa nasabing resort ay kauna-kaunahan sa pagbubukas muli ng isla matapos ang isinagawang rehabilitation noong nakaraang taon.
Ayon sa DENR, patuloy na nilalabag ng establisimyento ang road easement law at patuloy na nag-ooperate nang walang kaukulang clearance at permit.
Nabatid na Abril 2018 pa nang isyuhan ng demolition order ng DENR ang resort dahil sa paglabag sa easement law subalit hindi ito tumalima sa kautusan at patuloy ang paglabag.
“The beach resort continued to operate in defiance of the law” ayon sa DENR.
Puna pa ng DENR, ang mga katabing establisimyento ng Plaza Resort na nagkaroon ng paglabag sa easement law ay inalis na ang kanilang mga illegal structure maliban sa nasabing resort kaya naman ang pinal na hatol ng ahensiya ay tuluyan na itong ipasara.