1 sibilyan sugatan sa Cotabato encounter

Isang sibilyan ang sugatan sa limang oras na engkuwentro ng mga armadong grupo sa Cotabato kahapon.

Kinilala ang biktima na si Marcelo Malula, 50, may-asawa, magsasaka at residente ng Barangay Kadingilan, Midsayap, North Cotabato.

Tinamaan ang biktima ng ligaw na bala habang lumilikas ito patungo sa ligtas na lugar.

Ayon kay Midsayap Chief of Police, Supt. Bernard Tayong, nagkasagupa ang grupo nila Kumander Paitem at dating Barangay Kapitan Renz Tukuran sa Barangay Kadingilan sa bayan ng Midsayap.

Tumagal ng limang oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig dahilan upang lumikas ang 360 na pamilya sa takot na maipit sa kaguluhan.