1 sugatan sa nag-duwelong pulis

pulis

Isang Pulis-Caloocan at Pulis-Maynila ang nagbarilan sa isang kainan sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang dalawang mga pulis na sina SPO1 Rommel Bautista na nagtamo ng tama ng bala sa kanyang hita at nakatalaga sa Station Investigation Branch Management Division (SIDMB) ng Caloocan City Police at PO2 John Paul Dela Fuente na nakatalaga naman sa Manila Police District (MPD).

Ganap umanong alas-singko ng hapon nang maganap ang insidente sa isang karinderia na matatagpuan sa kahabaan ng A. Mabini Street, Barangay 12 ng nasabing lungsod.

Isang Danny Sta. Maria umano na noon ay kumakain sa nasabing kainan ang lumapit sa mesa ni Dela Fuente na kasabayan niyang kumakain at kinuha ang lalagyanan ng toothpick na nasa mesa ng Pulis-Maynila, nabastusan umano ang pulis nang hindi man lang nagpaalam si Sta. Maria na kukunin ang lalagyanan ng toothpick at sinita si Sta. Maria.

Doon na umano nagumpisang magkasigawan ang dalawa hanggang sa suntukin na ni Sta. Maria ang pulis, hindi naman nagpatalo ang pulis at gumanti rin ng sapak na mabuti na lamang at agad ding naawat ng mga tao doon.

Pinagkausap ang dalawa hanggang sa humahinahon na ang sitwasyon at kalaunan ay umalis na rin si Sta. Maria papunta sa San Roque Church na malapit lang din sa nasabing kainan, ngunit ilang saglit lang ay bumalik ito na kasama na si Bautista na noon ay hindi naka-uniporme at doon na bigla na lamang umano na nagbarilan ang dalawang pulis.

Tinamaan ng bala sa kanyang hita si Bautista na agad namang naisugod sa Caloocan City Medical Center habang maswerte namang walang tinamong kahit anong tama ng bala si Dela Fuente na mabilis tumakas matapos ang insidente.

Sa imbestigasyon naman ng Caloocan City Police ay pagdating umano ni Bautista ay bigla na lamang umanong bumunot ng baril si Dela Fuente at pinaputukan si Bautista ngunit ayon naman sa kabilang kampo ay si Bautista umano ang unang nagpaputok.

Sa pagsisiyasat naman ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) ay nasa 13 basyo ng mga bala ang nakita sa lugar, sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente, kasalukuyan na rin nagsasagawa ng manhunt operation laban kay Dela Fuente.

Inaalam na rin kung sino ba talaga ang may pananagutan sa nangyari, kasalukuyan na rin namang nasa ligtas na kalagayan si Bautista at nagpapagaling na lamang sa nasabing pagamutan.