Isinugod sa ospital ang pitong magkakaklase makaraang makaramdam ng pangangati at hirap sa paghinga makaraang malason umano sa kinaing chocolate cookie na gawa ng isa din sa biktima, sa Imus City, Cavite.
Dinala sa Medical Center Imus ang mga magkakalase ngunit binawian ng buhay ang 18-anyos na si Mark Joseph Tan habang ginagamot.
Nagpapagaling naman ang anim pa na sina Mher John Tan, 18; Justin James Cañete, 18; Mercy Grace Benialon, 18; Eden Joyce Beckham, 19; at isa pang kaklase.
Nangyari umano ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon kamakalawa nang kinain ng mga biktima ang ginawang chocolate cookie ni Daniela Grace Bolo, 18, sa bahay nito sa Brgy. Palico 4 ng nasabing lungsod.
Matapos nito ay sumama na ang pakiramdam ng mga anim na kaklase at dinala sa ospital. Nasa maayos na kalagayan na ngayon ang anim, habang iniimbestigahan pa kung may kinalaman ang cookie na kinain nila.