Ibinaon ng Ilocos Sur Provincial Quarantine (ISPQ) ang mahigit sa isang toneladang imported na karne ng baboy matapos masabat sa isang checkpoint sa Barangay Bio, Tagudin, Ilocos Sur noong Martes.

Ayon kay ISPQ officer Martel Quitoriano, ang nasabing imported na karne ay ikinarga sa isang Hyundai cargo van na minaneho ni Nico Alba, 26.

Sinabi ni Quitoriano na pinaniniwalaang galing sa La Union ang mga imported na karne na nakalagay sa 62 kahon at ibabagsak sana sa bayan ng Sta. Cruz, Ilocos Sur kung saan mababa ang bentahan ng karne ng baboy.

Aniya, maliban sa pagtakas sa quarantine checkpoint, luma­bag din ang nasabing driver sa Executive Order (EO) na ipinalabas ni Ilocos Sur Gov.
Ryan Singson hinggil sa pagbabawal sa pagpasok ng mga buhay at karne ng baboy na galing sa ibang lugar dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF). (Allan Bergonia)