Nasa tatlong mga katao kabilang ang isang tulak ng ipinagbabawal na gamot at dalawang holdaper na sangkot din umano sa droga ang patay matapos mapaengkuwentro sa mga alagad ng batas sa Lungsod ng Caloocan kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Caloocan City Police Community Precinct III, ganap umanong alas-dos pasado ng madaling-araw nang magkasa sila ng operasyon sa Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Bago iyon ay nakatanggap umano ng reklamo sa mismong purok leader sa lugar ang pulisya hinggil umano sa bentahan ng illegal drugs sa lugar. Agad namang rumesponde sa lugar ang mga alagad ng batas ngunit nang makita sila ng isa sa suspek na si Arturo Padua Jr. ay bigla silang pinaputukan nito.
Gumanti naman ang pulisya na agarang ikinasawi ni Padua, habang dalawa sa mga kasamahan nito ang nakatakas.
Na-recover sa labi ni Padua ang nasa dalawang pakete ng hinihinalang shabu na inaalam pa ang dami.
Samantala, ilang residente ang nagturo sa pinagpupugaran ng dalawang kilabot na holdaper din sa lugar na sina Renz Quintia at Arnold Platilla na tiyuhin umano ng kinakasama ni Quintia na si Lyka Platilla.
Ngunit nang katukin ng pulisya ay sa halip na sumuko ay nakipaghabulan pa umano at pinaputukan ang mga alagad ng batas dahilan upang gantihan sila ng putok na agaran nilang ikinasawi.