Malagim ang sinapit na kamatayan ng mga katutubong aeta kabilang ang isang 2-taong gulang na bata nang salpukin ng isang closed delivery van ang kanilang sinasakyang multicab sa National highway sa Barangay Carael, Botolan Zambales kahapon ng hapon.
Pahirapang makuha ang bangkay ng driver ng multicab na service ng Barangay Amungan na si Romulo Montis nang maipit sa manibela gayundin ang mag-ina na nasa passenger seat na naipit ng dashboard sanhi ng malakas na pagkakasalpok ng closed van na may plakang XMD 943.
Sa panayam ng Abante TONITE kay SPO1 Larry Deliguin ng Botolan PNP, alas-kuwatro kahapon nang mangyari ang aksidente habang binabaybay ng closed delivery van ang national highway na sakop ng Botolan nang biglang sumabog umano ang gulong nito.
Nasa kabilang direksyon at kasalubong naman sa kalsada ang mga biktima na lulan ng naturang multicab subalit huli na para maiwasan nito ang nawalan ng kontrol na delivery van at nangyari ang malagim na insidente.
Base naman sa inisyal na listahan na nakalap ng Abante TONITE, kinilala ang mga nasawi at nasugatan na sina Maritess dela Cruz, Vangeline Capistrano, Ivan Capistrano, Rey Villanueva, Paolo Villanueva, Josephine Dode, Linda Ruano, at iba pa nakilala lang sa mga pangalan na Cendula, Manilyn, Asiong at Padi.