Bumababa at tumataas ang kaso ng COVID -19 sampung araw matapos na ipatupad ang General Community Quarantine sa Metro Manila.

Kahapon, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 443 karagdagang kaso kaya umabot na sa 24,175 ang nagkaroon ng COVID-19 sa bansa hanggang kahapon ng alas-4:00 ng hapon.

Sa naturang bilang, 253 ang fresh case habang 190 naman ang late case.

Sa mga fresh case na ito, 35 ang mula sa National Capital Region, 66 sa Region 7, ang 152 naman ay mula sa iba pang lugar sa bansa.

Sa mga late case, 48 ay mula sa NCR, 6 sa region 7 at 136 naman sa iba pang lugar sa bansa.

Naitala ang pinakamataas na bilang ng mga gumaling na umabot sa 270 dahilan para maging 5,165 .

Nabatid na kamakalawa Hunyo 10, naitala ang 750 bagong kaso; Hunyo 9, 518 kaso at Hunyo 8, 579 kaso.

At noong Hunyo 3,naitala ang pinakamataas na kaso na 751 habang Hunyo 1 naitala ang 359 sa unang araw ng MGCQ at GCQ.(Juliet de Loza-Cudia)