10 huli sa vote buying

Dinampot ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang sampung indibidwal sa Brgy. Zapote 5, lungsod ng Bacoor Cavite, pasado alas-sais Sabado nang gabi dahil umano sa pagbili ng boto.

Nag-ugat ito makaraang makatanggap umano ng tawag ang CIDG – Cavite kaugnay sa umano’y garapalan at lantarang pamimigay ng pera ng mga suspek sa mga residente ng nasabing barangay, at nakunan pa ng cellphone video habang nakapila ang mga ito at inaabutan ng mga sobre na naglalaman ng 200 pesos.

May suot na pulang baller id ang mga residente na tumatanggap ng sobre bilang palatandaan umano na kasama sila sa bibigyan ng pera.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglaba sa Omnibus Election Code ang mga naares­tong mga suspek na hindi pinangalanan.

Pero kaugnay nito, nagbigay ng pahayag si Cavite Governor Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla kaugnay sa nasabing insidente at sinabing inoorganisa sa lugar ang mga kukuning watcher para sa darating na eleksyon.

Nakuha din umano ang video habang ipinamimigay ang transportation allowance ng mga ito para sa gaganaping watchers training.

Ani pa ni Gubernatorial Candidate Jonvic Remulla na baka gamitin at samantalahin ng kanyang mga kalaban ang pangyayari, kaya inimbita nito ang Commission on Elections at pulisya sa gaganaping watcher training sa susunod na linggo para patunayang allowance ang ipinamigay at hindi pambili ng boto.