Sumampa na sa sampung katao ang nasawi kabilang ang limang sakay ng light plane na aksidenteng bumagsak halos 50 metro lamang ang layo matapos magtake-off sa Plaridel airport bago bumagsak sa isang bahay at masawi ang limang naka­tira dito kabilang ang isang 7-anyos na batang babae sa Purok 3, Barangay Lumang Bayan, Plaridel, Bulacan kahapon ng tanghali.

Base sa report ni P/Supt. Julio Lizardo, Plaridel police chief, kabilang sa nasawi ang pilotong si Capt. Ruel Meloria, co-Pilot Efren Patugalan at tatlong pasahero nitong hindi pa pinapangalanan habang namatay din ang limang nakatira sa binagsakang bahay na sina Risa dela Rosa, ina nitong si Luisa Santos at mga anak na sina John Noel,15, Ti­mothy, 17 at Trish, 7-anyos.

Unang inireport na anim ang sakay ng Aircraft 23-200 Lite Air na may registry number RPC 299, isang Piper Lance single-engine type, ngunit nakumpirmang hindi nakasama sa 6-seater light plane ang chief mechanic dahil uuwi ito sa kanilang probinsya kung kaya nakumpirmang patay lahat ang limang sakay ng eroplano habang lima naman ang nasawi sa binagsakang bahay.

Nabatid na alas-11:21 ng tanghali nang magtake-off sa Plaridel Airport ang nasabing eroplano ngunit hindi pa ito gaanong nakakalayo ay sinasabing sumabit ang isang pakpak nito sa poste at kable ng kuryente bago tuluyang bumagsak sa bahay ng pamilya Dela Rosa sa Purok 3, Barangay Lumang Bayan, Plaridel na eksaktong kumakain ng tanghalian nang maganap ang insidente.

Sinasabing patungo sanang Laoag Airport ang eroplano. Patuloy pa ang imbestigasyon kung ano ang naging dahilan nang pagbagsak ng eroplanong pag-aari ng Lite Air Express habang grounded lahat ang eroplano ng nasabing kompanya habang hindi pa lumalabas ang resulta ng pagsisiyasat ng CAAP.