10 nakakubra ng ayuda, nahuling nagsusugal

Diretso sa selda ang sampu kataong mga beneficiary ng Social Amelioration Program (SAP) at 4Ps matapos mahuling nagsusugal sa Purok 1, Barangay Calao East, Santiago City at sa Mallig, Isabela noong Miyerkules.

Ayon sa Isabela Provincial Police Office (IPPO), ang mga nadakip ay nakilalang sina Danny, 25-anyos , may asawa, laborer; Kleng, 48, balo, may trabaho at Myrna, 48, may asawa, pawang may benepisyo ng SAP sa ilalim ng 4Ps.

Kasama din sa mga nadakip sina Rose, may-asawa; Thelma, 58-anyos, balo at Joy, 45, dalaga, na pawang benipisyaryo ng SAP.

Sa imbestigasyon, ayon sa IPP, nahuli ang mga suspek na aktong nagsusugal sa magkaibang lugar sa parehong araw.

Nasamsam sa kanila ang isang set ng baraha, lamesa at perang gamit sa pagsusugal.

Samantala, ayon kay Barangay chairman Dennis Cardenas ng Barangay Calao East, Santiago City, sinabi nitong nakipag-ugnayan na siya sa DSWD region 2 at ipinaalam ang pagsusugal ng mga benepisyaryo ng SAP at 4P’s.

Sinabi Cardenas, nakailang warning o babala ang ipinalabas ng kanyang tanggapan sa mga nasabing indibidwal bago sila madakip ng mga pulis.

Samantala, apat na kababaihan ang inaresto ng mga kasapi ng Mallig Police Station (MPS) makaraang maaktuhang nagsusugal sa nasabing bayan

Ang mga inaresto ay sina Jhyna , 55 anyos, may-asawa, 4P’s beneficiary; Virginia, 38 anyos, may-asawa, 4P’s beneficiary; Sheena, 38 anyos, may-asawa, SAP beneficiary at Sheila, 30 anyos, may-asawa, isang guro at pawang residente ng Mallig, Isabela.

Sinabi ni MPS chief-of-police P/Major Loreto Infante, nagsagawa ng anti illegal gambling operation at naaktuhan ang mga suspek na nagsusugal.

Nakuha sa kanilang pag-iingat ang isang box ng poker cards; bet money na P2,693 at isang mantel. (Allan Bergonia)