Matapos ang halos sampung-oras na hostage drama sa Greenhills shopping center sa San Juan City ay sumuko rin ang dating security guard na bumihag sa 30 empleyado.
Kasabay nito ay naglabas din ito ng hinanakit sa diumano’y nagaganap na katiwalian sa Virra Mall security.
Dakong alas-8:16 ng gabi nang sumuko ang suspek na si Archie Paray, kasama ang 30 nitong bihag na karamihan ay mga babaeng empleyado ng mall sa adiminstrator building sa ika-2 palapag.
Tila nagpa-press conference pa ang dating guwardiya at ikinuwento ang aniya’y maling trato sa mga maliliit na security guard ng mga security officer ng mall.
Inilabas din nito ang sama ng loob laban sa Sascor Armor Security Agency sa hindi umano patas na pagtrato bukod pa sa umano’y nagaganap na lagayan at suhulan ng kanilang mga opisyal.
“Itong sitwasyon na ito ay December pa, hindi ito padalos-dalos, pinag-isipan ko ito and at the same habang lumilipas ang panahon mula noong December… pinarating ko sa SASCOR (ang kanyang hinaing) pero binalewala,” himutok nito.
Nagkagulo pa bandang huli matapos na iba na ang sinasabi ng suspek at hamunin pa si San Juan City Mayor Francis Zamora na kung siya ang papipiliin ay mas gusto na niya sa sementeryo.
Sa gitna ng pangho-hostage ay binaril nito ang officer in charge ng security ng mall na si Ronald Velita, na tinamaan sa tiyan at nakaratay ngayon sa Cardinal Santos Medical Center.
Bukod sa kalibre .38 baril ng suspek ay mayroon pa umano itong dalang granada na iniwan na niya sa kuwarto ng admin bago ito sumuko.
Nag-ugat ang hostage drama nang mag-amok ang guwardiya matapos umano itong sibakin sa trabaho. (Edwin Balasa)