10 preso pumuga sa Cebu jail gamit ang kutsara

Nakatakas sa Cebu Provincial Police Office (PPO) ang sampung preso dahil sa ginamit na pinutol na kutsara, Martes ng gabi.

Sa ulat ni P/Col. Roderick Mariano, director ng Cebu PPO, dakong alas-11:00 ng gabi nang tumakas ang sampung preso na pawang may mga kasong paggamit at pagtutulak ng iligal na droga, tatlo sa kanila ang agad umanong naibalik sa bilangguan.

Ayon sa inisyal na ulat, gamit lang ang kutsara na pinutol ay unti-unting tinibag ng mga preso ang sementadong pader ng selda kung saan mayroong 13 preso ang nakakulong dito.

Ang selda ay nasa ground floor ng Cebu PPO na matatagpuan sa Doña Modesta Gaisano St., Cebu City.

Matapos na magkasya ang mga katawan ay isa-isang naglabasan ang 10 preso habang ang tatlong iba pa ay hindi naman sumama sa kanilang pagtakas, agad din namang nahuli at naibalik sa kulungan ang tatlo sa mga tumakas habang matagumpay na nakatakas ang pitong iba pa na hindi naman binanggit ng pulisya ang mga pangalan.

Ayon sa jail officer na naka-duty nang mangyari ang pagtakas ay wala naman umano siyang napansin o anumang ingay na narinig sa mga selda.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang manhunt operation ng pulisya para sa muling pagbabalik sa selda ng mga tumakas na preso kung saan lima sa mga ito ay nakatira sa bayan ng Dumanjug habang ang dalawa ay taga-Talisay City.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nangyaring pagtakas. (Edwin Balasa)