Kailangang magbago na ang mga cyber bullies dahil kung hindi ay gugugol ang mga ito ng hanggang 10 taon sa loob ng kulungan o multang hanggang kalahating milyon o kaya pareho ang parusang makukuha ng mga ito.
Sa ilalim ng House Bill 4795 na inakda ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, maging ang pagbabanta sa social media ay hahabulin sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.
“We have to protect all individuals, regardless of gender, against all forms of electronic violence, including those that are not necessarily sexual in nature, but may be due to the victim’s race or religion, or even political affiliation,” ani Pimentel sa kanyang panukala.
Ginawa ng mambabatas ang nasabing panukala dahil usung-uso ang pambu-bully sa social media na lubha umanong nakakabahala dahil habang tumatagal ay dumarami ang nabibiktima.
“Our bill basically recognizes that anybody — even a male person — may possibly be tormented over the Internet for any reason, and this is what we seek to counteract,” ayon pa sa mambabatas.
Hindi lang pagbabanta sa social media ang paparusahan umano ng hanggang 10 taong pagkakakulong kundi ang pagpapadala ng mga pagbabanta sa pamamagitan ng text message lamang.
Pananagutin din umano ang mga magse-share ng mga post laban sa mga biktima ng cyber bullying dahil ang mga ito ay nagpapalala sa situwasyon.