Nangangamba ang isang mambabatas sa negatibong epekto sa mga Pilipinong nais tumestigo sa katiwalian sa gobyerno, ng sentensya na anim hanggang 10 taon sa pinakasikat na whistleblower na si Rodolfo Noel ‘Jun’ Lozada.
Ito ang dahilan kaya kinalampag ni Kabayan party-list Rep. Harry Roque ang Kongreso na ipasa na ang panukalang magbibigay ng proteksyon sa mga whistleblower sa lalong madaling panahon dahil posibleng maraming Filipino ang hindi na maglalakas-loob ng tumestigo laban sa mga tiwala sa gobyerno.
Ginawa ni Roque ang pahayag matapos patawan ng Sandiganbayan ng anim hanggang 10 taong pagkakabilanggo si Lozada sa kasong katiwalian matapos iparenta umano ang isang lupain sa kanyang kapatid noong siya pa ang pangulo ng Philippine Forest Corporation (PFC).
Naniniwala si Lozada na ang kasong ito ay resbak sa kanyang pagtestigo sa NBN-ZTE broadband deal scam na kinasasangkutan ng mag-asawang sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating First Gentleman Mike Arroyo at dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos Sr.