Swak sa kulungan ang sampung kalalakihan matapos maaktuhang pinagpupustahan ang mga gagamba na pinaglalaban sa Rosario, Cavite.

Kinilala ang mga naaresto na sina Eulogio Mondigo, 26; Atilano Tupaz, 47; Gabriel Beniza, 21; Alvin Guesta, 39; Elmer Antonio, 42; Aladino Encarnacion, 29; Michael Arante, 34; Marvin Savilla, 32 Arnel Sodilla, 32 at Vincent Miramas, 25, pawang mga residente ng Brgy. Sapa 2, Rosario, Cavite.

Sa ulat ng Rosario Police, alas-9:30 Miyerkoles ng gabi nang simulan ng grupo ang tinawag nilang ‘Pala­ban ng Gagamba’ sa nasabing barangay, ngunit agad silang naaresto ng mga awtoridad kasunod ng isinagawang operasyon laban sa iligal na sugal.

Nakuha sa mga nadakip ang pustahan na umabot sa P2,200 at mga posporo na naglalaman ng mga buhay na gagamba.

Kasong may kaugnayan sa paglabag sa paghihigpit sa iligal na sugal ang kakaharapin ng mga suspek. (Gene Adsuara)