Sugatan ang dalawang fire volunteer habang nasa 200 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos sumiklab ang sunog sa tatlong palapag na residential house kahapon sa Quiricada St., Sta. Cruz, Maynila.

Ayon kay FSupt. Rodolfo Denaga ng Manila Bureau of Fire Protection, alas-11:50 nang umaga nang magsimula ang sunog sa No. 1606 Quiricada St. Sta. Cruz, Maynila.

Umabot umano ang sunog sa Task Force Bravo at idineklarang fire control ala-1:36 nang hapon kung saan mahigit 100 kabahayan ang nilamon ng apoy.

Nabatid na dalawang fire volunteer na hindi pa pinangalanan ang isinugod sa pagamutan nang mabagsakan ng bubungan habang tumutupad sa tungkulin.

Ang nabanggit na residential houses ay nasa likuran lamang ng Manila Central Fire Station at harap ng San Lazaro Hospital.

Iniimbestigahan naman ang sanhi ng sunog at halaga ng mga napinsalang ari-arian.

Inatasan na ni Manila Mayor Isko Moreno ang MRRDO na tulungan ang mga nasunugan. (Juliet de Loza-Cudia)