Sinunog ng pamunuan ng Department of Agriculture’s Bureau of Animal Industry-Veterinary Quarantine Service at Bureau of Customs ang mga nakumpiskang karne ng baboy at manok na umaabot na sa 100 kilo mula sa mga pasaherong dayuhan na nagdala ng processed pork meat at meat by-products sa Mactan Cebu International Airport.

Ito ay kasunod ng pagba-ban ng pagpasok ng mga karne bilang tugon sa kumakalat na African Swine Fever (ASF) virus.
Kasama rin sa sinunog noong Biyernes ang nakumpiskang karne ng manok para naman sa pag-iwas sa Avian Influenza o Bird Flu.

Ayon sa DA-Central Visayas, ang ASF virus ay mabilis na pumapatay ng mga baboy sa loob lamang ng 10 araw at walang lunas ito kaya’t kailangang maagapan.

Ang mga bansang ban na magdala ng mga meat product sa Pilipinas ay ang South Africa, Zambia, China, Russia, Czech Republic, Bulgaria, Mongolia, Belgium, Hungary, Latvia, Moldova, Poland, Romania, at sa Ukraine na may ASF virus outbreak na.