100 OFW naipit sa NAIA

Tengga pa rin at nanatiling stranded ang mahigit 100 overseas Filipino workers na umuwi sa bansa at naabutan ng coronavirus lockdown sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration chief Hans Leo Cacdac, kabilang sa grupo ang nag-quarantine sa bahay ng kanilang mga kaanak sa Metro Manila bago umuwi sa Visayas o Mindanao, o kaya naman ay hindi natuloy magtrabaho sa ibang bansa.

“Tutulungan po natin sila magkaroon ng flight pauwi,” sambit ni Cacdac sa panayam ng TeleRadyo.

Idadaan din aniya ang grupo sa coronavirus swab test.

Iuulat aniya ng kaniyang ahensya sa labor department ang mga recruitment agency ng mga OFW “para mabigyan ng kaukulang disiplina at aksyon.”

“Dapat hindi sila (OFWs) binibitawan ng kanilang recruitment agency at sa halip ay i-arrange ang kanilang flight pabalik,” paliwanang ng opisyal. (Riz Dominguez)