Katulad ng ginawa nang bumisita kamakailan sa Middle East na nagbitbit pauwi ng bansa ng mga stranded overseas Filipino workers (OFWs), muli raw mag-uuwi si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga Pinoy mula naman sa Russia.

“Dito naman sa pagpunta ko ng Russia, may 100 Filipinos na gustong… 150 o 100 na gustong umuwi. Kung matuloy ako doon, kung matuloy ako doon, Inshallah, God willing, dala ko na ‘yun sila,” pahayag ng Pangulo nang matalakay ang kapakanan ng mga OFWs sa pilot episode ng kanyang TV program sa PTV-4 kamakalawa ng gabi na ‘Mula sa Masa, Para sa Masa’.

Ayon sa Pangulo, nag-abiso na siya sa airlines hinggil sa planong pagbibitbit-pabalik ng bansa sa mga stranded OFWs sa Russia.

“Sabi ko sa eroplano, magreserba ng 100 seats. Kung kulang, itapon na ‘yung ibang opisyal para makasakay ‘yung mga worker,” ayon pa sa Pa­ngulo.