100 pulis pa sa metro ililipat sa Mindanao

Tinatayang nasa mahigit 100 pa na miyembro ng Philippine Nationa­l Police (PNP) sa Metr­o Manila ang ililipat sa ilang lugar sa Mindanao bilang parusa umano sa kanilang pagkakasangkot sa iba’t ibang kaso partikular sa illegal drugs.

Subalit ayon kay Chief Supt. Oscar Albayalde,­ d­irector ng National­ Capital­ Region Police ­Office (NCRPO), bukod dito ay mayroon pang karagdagang nasa 60 pulis na naka-assign sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ang patuloy na mino-­monitor dahil pa rin sa pagkakasangkot sa illegal drugs activities.

“We are monitoring some 67 of our personnel who are continuously engaged in illegal drugs activities,” ayon sa panayam kay Chief Supt. Albayalde.

Kabilang umano sa mga ito ang isa na naakusahan ng extortion na nasa P300,000 mula sa kamag-anakan ng isang pinaghihinalaang drug user na hinuli sa isang police operations.

At ang nasabing pinaghihinalaang pulis ay may kasama pa umanong walong iba pang pulis.

Una nang sinabi ni PNP Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, na umabot na sa 108 pulis mula sa Metro Manila ang nailipat na sa Mindanao.

Sinabi rin ni Dela Ros­a na iniimbestigahan na rin ang mga reports na ilan sa mga pulis na inililipat ang assignment sa Mindanao ay nag-AWOL o Absent Without Official Leave.