100M Susunugin sa SEAG WI-FI

Halos P100M ang gagastusin ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) na pinamumunuan ni chairman, House Speaker Alan Peter Cayetano, para sa wi-fi ng 30th Southeast Asian Games 2019 sa Nobyembre 30-Disyembre 11 sa bansa.

Sa Philippine Arena sa Sta. Maria-Bocaue, Bulacan ang opening ceremony samantalang sa New Clark City Athletics Stadium ng NCC Sports Complex sa Capas, Tarlac ang closing ceremony.

“We’re working closely with one of our major sponsors, PLDT, to make sure na ‘yung internet access natin maganda,” ani Caye­tano. “Mas mura sana by P5M kung wala ‘yung safety mechanism sa lighting.”

Maliban sa SEA Games Information System (SEAGIS-Project 2) na nangangailangan ng internet na tutustusan ng P388,888,488, kailangan ding mabigyan ng wifi ang lahat ng competition venue ng 530 events ng 56 sports sa Luzon na paglalabanan sa 11 araw na torneo sa Subic, Clark, Tarlac, Bulacan, Pasay, Manila, Pasig at Tagaytay.

Nangangailangan ng connectivity para sa mas mabilis na proseso ng mga resulta sa lahat ng kada matatapos na bawat event.

Gagasta ang Phisgoc ng P3,381,460 sa SEAG IT equipments, P89,200,000 sa Venue Connectivity Requirements at ng P546,000 para sa IT&T various venue site visits and technical inspection.

Inihayag naman ng isang opisyal na kasalukuyang mano-mano pa ang pagsasagawa sa mga accreditation ID ‘di lang para sa mga atleta kundi sa mga workforce ng 56 na National Sports Association na mga mamamahala sa mga kompetisyon.

‘Di rin makapagberipika ng kanilang mga accreditation ang ibang bansa dahil nakatakda lang maitayo o mai-up ang gagamiting sistema para sa mga koneksiyon sa internet bunsod sa huling minutong pagpapalit ng internet service provider sa SEAGIS.

Kailangan din ang internet para sa live broadcast ng mga laro partikular sa napagkasunduan na 10 priority sports na ite-telecast sa mga kasaling bansa. (Lito Oredo)