11 bahay nagliyab, 3 nadale sa napabayaang kandila

Sugatan ang tatlong magkakaanak nang magkasunog sa isang residential area dahil umano sa napabayaang kandila kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Sinabi ni Fire Insp. John Joseph Jaligue, chief investigator ng Manila Fire District, ang mga biktima ay sina Romano Hilario, 51; misis niyang si Erlinda Lopez, 53; na nagtamo ng mga sunog at paso sa katawan, at ang lola sa pamilya na si Marina Lopez, 79, na napilayan nang madapa habang tumatakbo palayo sa sunog.

Pasado alas-12:00 ng madaling-araw nang mangyari ang sunog sa Brgy. 81, Zone 7, sa Tondo.

Sinabi ng ilang residente na nagsimula ang sunog sa nakaligtaang kandila sa isang bahay na naputulan ng kuryente.

Dahil yari sa mga light material ang halos lahat ng bahay sa lugar ay mabilis na kumalat ang apoy at nadamay na masunog ang 10 bahay.
Idineklara itong fireout ng MFD matapos ang mahigit kalahating oras.
Nahirapan rin ang mga pamatay sunog na apulahin ang apoy dahil sa makikitid na eskenita at live wire.

Nalaman na may 20 pamilya ang nawalan ng bahay at nasa P50,000 ang halaga ng nasunog na ari-arian. (Juliet de Loza-Cudia)