Mahigit sa 33 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang buhusan ng gasolina at sunugin ng apat na kalalakihan na naka-bonnet ang 11 bahay sa Caloocan City kahapon.

Dakong alas-12:35 ng madaling-araw nang magambala ang himbing na pagka­katulog ng mga residente sa Quirino Highway, Dela Cruz Compound, Pangarap Village, Brgy. 181 ng nasabing lungsod sa biglang paglagablab ng apoy sa kanilang mga tirahan na karamihan ay gawa sa mga light material.

Mabilis namang rumesponde ang mga bombero kasama ang Malaria Sub-Station at idineklarang fire out ang sunog dakong alas-2:35 nang madaling-araw.

Sa imbestigasyon ni FO1 Cedrick Pardinas, arson investigator, sinabi ng ilang residente na may nakita daw silang apat na lalaki na naka-bonnet at may dalang galon ng gasolina.

Matapos daw sindihan ang isang bahay ay mabilis na ang mga itong nagtakbuhan.

Wala namang iniulat na nasawi sa sunog ngunit aabot sa mahigit P500,000 halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.

Pansamantalang nanunuluyan sa ­covered court ang mga nasunugan.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente para makilala ang mga suspek at matukoy ang motibo sa panununog.