Sabay-sabay na iniabot sa mga recipients na residente ng 11 barangay sa Lucena City ang kanilang Social Amelioration Program o SAP nitong Martes sa isang covered court sa nasabing lungsod sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.
Ayon sa report ng City Information Office (CIO), ang mga unang tumanggap ay ang mga benepisyaryo mula sa Barangay 1 hanggang Barangay 11 na pawang sakop ng city proper.
Sa kabila ng init ng panahon, nagtiyagang pumila ang mga benepisyaryo kasama na ang mga senior citizen at mga kababaihan sa parking lot ng isang mall na nagsilbing waiting area hindi kalayuan sa covered court.
Umani ng pagpuna sa mga netizen at ibang mga residente ang pamamahagi ng SAP dahil sa hindi aniya naiwasan ang pagkakadikit-dikit ng mga tao na isang paglabag umano sa patakaran ng ECQ.
Batay sa mga larawan na ipinost ng mga netizen sa Facebook, hindi rin naiwasan ang pagsisiksikan ng dumagsa sa pagkuha ng SAP.
Batay pa rin sa post ng CIO, ipinasiya ng City Social Welfare and Development office na sa isang lugar na lamang i-release ang SAP dahil sa kakulangan umano nila ng mga staff kung dadalhin sa ibat-ibang barangay ang cash pay-out.
Napagkaisahan din naman aniya na panatilihin ang social distancing at pangungunahan ng mga miyembro ng IATF at ng PNP ang pamamahala sa kaayusan. (Ronilo Dagos)