DINAKMA ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang 11 iligal na Chinese national sa Tacloban City na nahuling nagtatrabaho sa bansa nang walang kaukulang work permits at visa.
Sinabi ng BI Commissioner Jaime Morente na ang mga dayuhan ay naaresto sa kanilang lugar ng trabaho sa kahabaan ng Zamora St., Tacloban City sa panahon ng operasyon na isinagawa ng mga operatiba mula sa BI Intelligence Division.
Naglabas si Morente ng mission order na pinahihintulutan ang operasyon matapos makatanggap ng sumbong ang bureau hinggil sa pagtatrabaho ng mga dayuhan na lumalabag sa mga kondisyon ng kanilang pananatili bilang mga turista.
Ang mga naaresto ay nahuli sa aktong nagbebenta ng iba’t ibang mga kalakal nang salakayin ang establisimyentong kinaroroonan ng mga ito.
Ayon sa BI chief, natuwa siya sa suporta at kooperasyon na ibinibigay ng publiko sa bureau habang binanggit niya ang mahalagang papel ng mamamayan sa pagsasagawa ng kampanya ng bureau laban sa mga iligal na dayuhan.
Kasabay nito, hinimok muli ng BI ang publiko na isumbong ang anumang iligal na dayuhan sa kanilang mga lugar at huhulihin ang mga ito at papauwiin sa kanilang mga bansa.
Ang mga dayuhan ay dinala sa Maynila kasalukuyang ikinulong BI sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan mananatili sila habang sumasailalim sa mga pagdaan sa pag-deport. (Mina Aquino)