11 kalsada sa Visayas, MIMAROPA sarado pa

Nananatiling sarado sa trapiko ang 11 national road sections sa Eastern Visayas at Min­doro, Marinduque, Romblon at Palawan (MIMAROPA) bunga ng pagbaha, landslide, road slip, damaged spillway, retaining wall, at tulay na tinangay ng bagyong Urduja.

Sa ulat ng Department of Public Works and Highways-Bureau of Maintenance (DPWH-BOM) sa lalawigan ng Biliran, apat na kalsada ang isinasara pa rin ng ahensiya – ang Naval-Caibiran Cross Country Road, Naval-Calumpang section dahil sa pagguho ng lupa, Biliran-Naval Road dahil sa nasirang pader at Naval-Almeria Road dahil sa pagguho ng lupa.

Ang Biliran-Naval Circumferential Road ay sarado rin dahil sa nasirang Catmon Bridge at Caray-caray Bridge.

Sa Leyte, limang kalsada rin ang sarado samantalang sa MIMAROPA, ang Damian Reyes Memorial Road Boac Side sa Marinduque at Sibuyan Circumferential Road ay hindi pa rin madaanan dahil sa road slip at inagos na tulay.