11 NCRPO personnel positibo sa drug test

Labing-isang pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nagposi­tibo sa initial drug test kung saan apat dito ay nagpositibo na sa confirmatory drug test.

Ayon ito kay NCRPO Spokesperson Chief Insp. Kimberly Mojitas, nakilala ang apat na sina PO2 Marlou T. Baradi ng District Public Safety Battalion (DPSB), PO2 Cornelio M. Sarmiento ng Anonas Police Station, PO1 John Santos ng Batasan Police Station at PO1 Porferio Sarigumba ng Talipapa Police Station.

Sa screening and confirmatory tests sa kanilang urine specimens, lumitaw na positibo ang mga ito sa paggamit ng droga.

Samantala, ayon kay Mojitas, ang dalawang pulis mula Eastern Police District na sina PO1 Ryan Padauan ng San Juan Police at PO1 Taupik Bidin Haman ng Mandaluyong City Police Station ay lumitaw rin na positibo sa initial drug test ngunit nakatakda pa lamang isa­ilalim sa confirmatory test.

Sinabi ni Mojitas na pawang isinailalim na ngayon sa restrictive custody ng Regional Holding Unit sa NCRPO Headquarters sa Camp Bagong Diwa ang anim ng pulis.

“They are all under investigation. Relieved from their post already and now under regional holding unit,” ayon kay Mojitas.

May lima pa umanong pulis na hindi pinangala­nan ang nagpositibo sa initial drug test at isasailalim pa rin sa kumpirmasyon.

Dagdag pa ni Mojitas, lahat ng pulis na magposi­tibo sa droga ay mahaharap sa administrative charges at pagkakasibak sa serbisyo.

Ang 11 nagpositibo sa droga ay kabilang sa 16,000 NCRPO uniformed personnel na sumailalim sa drug test ngayong buwan.