11 Pinoy na COVID-19 positive sa cruise ship ginagamot sa Japan

Nakaratay ngayon sa iba’t ibang pagamutan sa Tokyo, Japan ang 11 Filipino seafarer na sakay ng Diamond Princess cruise ship na nagpositbo sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), wala namang naitalang Pinoy na napabilang sa isa pang grupo ng 44 katao na nagpositbo sa coronavirus.
Sinabi ng DFA na ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo ay regular na nakikipag-ugnayan sa mga Pilipino sa mga ospital at tinutugunan nang maa­yos ang pagpapagamot sa mga ito.

Sa pakikipag-ugnayan ng embahada sa Japanese government ay nagpadala ng package na naglalaman ng mga gamit sa banyo at mga panustos na hindi pang-medikal sa mga Pilipino na nasa ospital pati na rin ang nananatiling nakasakay sa Diamond Princess.

Bumisita rin ang embassy team sa mga ospital upang makipag-usap sa mga doktor at social worker na itinalaga sa mga pasyenteng Pilipino upang matiyak ang kanilang paggaling.

Nabatid na nasa 538 ang bilang na mga Pinoy ang nakasakay sa nasabing barko na nakatengga sa Yokohama, Japan. (Armida Rico)