Muling nagpasiklab ang Bulacan Police Provincial Office (BPPO) sa kanilang maigting na operasyon laban sa droga.
Ito ay makaraang 11 drug pushers ang napatay sa engkuwentro, 44-katao ang nadakip, 15 iba’t ibang uri ng armas ang narekober, bukod pa sa narekober na 155 pakete ng droga at isang sako ng drug paraphernalias sa isinagawang One Time Big Time (OTBT) ng Bulacan Police sa lalawigan sa loob ng 24-oras.
Ayon kay P/Senior Supt. Romeo Caramat, Jr., Bulacan Police Director, ang magkakasunod na OTBT operations ay isinagawa sa 24 na police stations sa lalawigan at ng Bulacan Provincial Intelligence Branch (PIB).
Nakadetine sa iba’t ibang himpilan ng pulisya at city jail ang 44 na kataong nadakip sa OTBT ng Bulacan Police na isinagawa lamang kamakalawa, Oktubre 5.