Nasawi ang isang 30-anyos na babae habang kritikal ang isa pang biktima at inoobserbahan pa ang iba, matapos araruhin ng 8-wheeler­ truck ang 11 sasakyan sa Carmona, Cavite, Lunes nang hapon.

Kinilala ang biktima na si Jennifer Castillon matapos na ideklarang patay habang ginagamot sa ospital.

Kritikal naman si Dennis Danglo, 33, habang inoobserbahan pa ang 19 iba pa na dinala sa iba’t ibang pagamutan sa Carmona.

Sa ulat ni Pat. Wilbert Dagami ng Carmona Police, ala-1:23 ng hapon nang naganap ang insidente sa kahabaan ng Gover­nors Drive, Brgy. Mabuhay, Carmona, Cavite.

Minamaneho ni Ronnie Obrique ang truck na may plakang WMS 4000 habang binabagtas ang lugar. Aniya, nawalan ito ng kontrol sa break ng sasakyan bago mabangga 11 sasakyan, kabilang isang police mobile.

Sampu sa mga biktima ay sakay ng isang pampasaherong jeepney habang ang iba ay mga by-stander­ o naghihintay lang ng masasakyan.

Kabilang si Castillon ang nasa lugar na naghihintay ng masasakyang jeep nang naganap ang aksidente habang si Dango ay helper ni Obrique.

Kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries ang kaso na kakaharapin ni Obrique. (Gene ­Adsuara)